Sunday, 19 October 2008

BUHAY MANGGAGAWA SA IBAYONG BANSA



Nagbalot ka't sininup ang iyong mga dalahin sa 'yung pangingibang-bansa

At mabibigat ang mga paang humakbang patungo sa paliparan ng Maynila

Simbigat ng dala mong mga maleta ang damdaming pilit na pinapahupa

Ng mga pangarap at pagpupunyaging igapang ang kabuhayan sa malayong bansa



Tinahak mo ang mga landas na walang tiyak na paroroonan

At taas noong ikinukubli ang kaba sa dibdib at kalamnan

Tanggapin kabayan ang bukod tanging katotohanan

Na nandito kas sa ibang bansa upang kumayod at magsapalaran!



Unang araw sa trabaho ikaw ay natulala sa 'yong nasilayan at naramdaman

Dahil ngayon mo lang napagtanto at naintindihan ng lubusan

Na ang mawalay sa mga mahal sa buhay ay walang kaparis na pait

Lalo na't isiping bakit kaya kailangang lumayo't magpakasakit?



Tinimpi ang pait na dulot ng halos walang katapusang paghihirap

Ng katawang pagal sa pagkayod upang ang kabuhayang pilit na hinahanap

Ay makamit ng lubusan sa kabila ng masakit na pagtanggap

Sa katotohanang ika'y nalulumbay sa iniwang bayang pinapangarap!



Tahan na kabayan at silayan ang bukang liwayway sa dakong silangan

At ikalat ang paningin sa maaliwalas na kapaligiran ng bansang kinahantungan!

Marami ka pang taong gugugulin upang ang kabuhayang itinataguyod ng lubusan

Ay makamit kapalit ng dugo't pawis ng walang kaparis na sakripisyo ng katawan!



Binansagan ka ngang bayani, kabayan, ito kaya'y may katotohanan?

Bayani bang masasabi ang halos walang hanggang paghihirap ng lubusan?

Ang kakarampot na kinikita'y hinahati sa ibat-ibang "bills" na babayaran

At ang natirang pera'y di na halos makabili ng pagkain para sa hapag-kainan!



Sa hirap ng buhay kabayan ay halos wala ng iba pang paraan

Kundi tanggapin ang katotohanang ang pagpapakasakit ng 'yong katawan

Ay dili iba't patunay sa walang hanggang pagmamahal sa 'yong inang bayan!

Na ang tanging hangad ay itaguyod ang kinabukasan ng mga anak ng bayan!





This poem is writen to give a real picture of how it feels to leave one's own native land and descend to a foreign country.





Manny

Ika - 17 ng Setyembre 2008

No comments: