Sunday, 19 October 2008

TULA: ALAY KAY JAMES BALAO





Bukang liwayway, bagong pag-asa, bagong buhay!




Buo ang isip at buhay ang kalamnan sa lumipas na magdamag!


Di mahagilap ang pagtulog sa bigat ng dibdib at walang hanggang pag-aalala


Dinig sampu ang mga hininga, ng inang ayaw panawan ng masidhing damdaming


Masilayan ang dugo't laman na iniluwal sa liwanag ng buhay!




Ang katawang pagal ay ayaw sumuko sa bawat lumilipas na sandali


Sumisidhi ang dagundong ng dibdib na bumuhay sa anak na uliran


Di alintana ang bawat kasinungalingan ng mga bwitreng animo'y mga walang inang


Naghihintay na masilayan ang murang mukha ng minamahal na anak




Tahan na ina, at taas nuong iwaglit ang bangungot na sumasaklaw


Sa ala-ala ng mahal na anak dahil ito'y pinawi na ng di mabilang na mga kamay


Ng mga kapwang mapagpalang budhi at pusong nagmamahal sa bawat kalayaan


Ng mga anak ng bayang walang takot at tigil sa harap ng tiyak na patutungohan!




Katulad ng inang ayaw panawan ng masidhing pag-aalala sa anak niyang


Hinubog sa mapagpalang kamay at diwa ng katarunga't kalayaan ng mga


Nakararaming mga inakay na patuloy na kinukopkop laban sa mga kaaway ng bayan


Ikaw ang ama, ang humobog sa anak na nag-alay ng buhay sa bayan at kapwa.




Itindig ang mag paa, mga magulang na uliran


Pagmasdan ang bawat pagsapit ng dilim, dahil ang dilim ay pangako ng


Isang maaliwalas na bukang liwayway sa dakong silangan!


Liwanag na siyang magsisilbing gabay sa katotohanan o kasinungalingan




Bukang liwayway, bangong pag-asa, bagong buhay!


Ito ang hinahangad ng bawat taong ayaw panawan ng pagkamakabayan!


Sa lipunang dinarambong ng mga palalo sa paglapastangan ng


Karapatang pantao na siyang biyaya sa bawat nilalang




Tahan na ama't ina, at ang anak na iniluwal sa liwanag ng buhay


Ay nandito ngayon sa 'yong harapan dala ang pangakong itutuloy


Ang laban sa mga kapwang walang alintana sa mga taong gustong masilayan ang


Bukang liwayway, bagong pag-asa, bagong buhay!











This poem is dedicated to James Balao, one of the founders of the Cordillera Peoples Alliance who disappeared on 17 September 2008. May God Almighty give him strength to overcome the pains of being separated from his loved ones.










Ni Manny


Ika - 14 ng Oktobre 2008

No comments: